ALMORANAS: ANO ANG LUNAS?
Ano ang almoranas? Ito’y mga ugat at laman na lumalabas sa puwit. May mga ugat sa loob ng puwit, at sa katagalang pag-iire, puwede itong lumalabas, maipit at dumugo. Ang sintomas ng almoranas ay ang pagsakit at pagdurugo (pulang dugo) kapag dumudumi. Makakapa rin ang almoranas sa puwitan.
Mga sanhi (o risk factors) ng almoranas:
1. Namamana ang almoranas sa ating magulang.
2. Ang pagtitibi at pag-iire ang pangunahing sanhi nito. Kumain nang maraming gulay at prutas para lumambot ang dumi.
3. Ang pag-ire sa panganganak ay nagpapa-almoranas din.
Solusyon sa almoranas at sugat sa puwit:
1. Palambutin ang dumi. Kumain ng mga prutas tulad ng papaya, pakwan at ubas na nagpapalambot ng dumi. Damihan ang pagkain ng gulay (mataas ang fiber ng mga ito) at bawasan ang karne. Uminom din ng 8-12 basong tubig. Huwag umasa sa gamot na pampadumi tulad ng bisacodyl tablets dahil lalo ka lang magtitibi pagkatapos ng epekto nito.
2. Huwag umire sa banyo. Ang pag-iire ang talagang nagpapalala ng almoranas. Huwag piliting makadumi kung ayaw pang lumabas ang dumi. Subukan muna na maglakad-lakad at mag-ehersisyo para bumilis ang galaw ng bituka.
3. Huwag magbasa ng diyaryo, magasin at komiks sa kubeta. Umupo lamang kapag malapit nang lumabas ang dumi.
4. Gumamit ng petroleum jelly. Kung matigas ang iyong dumi, puwede mong pahiran ng petroleum jelly ang loob ng puwit. Ayon kay Dr. Edmund Leff, isang colorectal surgeon, nagpapadulas ito sa paglabas ng dumi.
5. Gumamit ng basang tissue paper o tabo ng tubig pagkatapos dumumi. Huwag gumamit ng tuyong tissue dahil baka magasgas lang ang almoranas.
6. Huwag magbuhat ng mabibigat na bagay. Ang stress ng pagbubuhat ay katumbas na ng pag-iire sa banyo. Magpatulong sa iba.
7. Huwag umupo o tumayo nang matagal. Nagdudulot din ito ng almoranas. Kailangan ay papalit-palit ang puwesto natin para hindi ma-pressure ang almoranas.
8. Magbawas ng timbang. Kapag mataba ka, tumataas din ang pressure sa iyong baywang at binti. Dahil dito, puwede kang magkaroon ng almoranas at varicose veins.
9. Kung buntis, humiga sa kaliwa. Ayon kay Dr. Lewis Townsend, isang obstetrician, puwedeng maipit ng lumalaking matris ang ugat ng almoranas. Humiga sa iyong kaliwa ng 20 minutos bawat 5 oras. Makatutulong ito para hindi maipit ang almoranas.
10. Magpahid ng cream. May mga gamot para sa almoranas tulad ng Proctosedyl o Ultraproct ointment. Hindi mawawala ang almoranas pero mababawasan ang sakit nito.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor?
1. Kung biglang sumakit ang almoranas.
2. Kung may bagong bukol na makapa sa puwitan. Baka pigsa ito o kulugo.
3. Kapag hindi naghilom ang iyong sugat sa puwit.
4. Kung may pagdurugo sa dumi, huwag isiping dahil lamang sa almoranas. Magpakonsulta muna sa isang surgeon na doktor. May mga simpleng operasyon na para sa almoranas.
No comments:
Post a Comment